Thursday, April 23, 2009

Paglangoy sa Isla ng mga Ketongin: Isang Alternatibo sa Halalan 2007

May isang eksena sa Motorcycle Diaries, isang pelikula tungkol kay Che Guevarra, na patuloy na pumipigil sa aking hininga. Kaarawan ni Che at nagdiriwang ang mga kasama niyang doktor at madre sa isang malaki at kumportableng tahanan. Tinatanaw niya ang isang isla ng mga ketongin sa kabilang ibayo. Ang mga taong may ketong ay naging kaibigan niya mula nang mag-volunteer siyang maging manggagamot nila. Lalabas si Che ng bahay habang umuulan. Lalanguyin niya ang ilog kahit mayroong mga buwaya, malalakas na alon, at umaatake ang kaniyang hika. Hihintayin siya ng mga ketongin sa kabilang ibayo at tutulungang umahon. May ngiting dadapo sa kanilang mga mukha na matagal nang hindi dumarating.

Ngayon ay nagkakagulo ang mga tao sa eleksyon. Nakaiiinis at nakasasawa ang mga patalastas ng mga pulitiko.

“You cannot control a social movement. You can only facilitate it," ang sinasabi sa Social Movement forum ng CSWCD. Ito ay ang aking pagtatangkang i-facilitate ang ating halalan.

Sa aking obserbasyon, mukhang may tatlong "movement" na kinikilusan ang mga tao ngayong halalan:
1. Una, maraming mga tao ang BOBOTO sa mga kandidatong tantsa nila ay tunay na magsisilbi sa bayan. Kausap ko ang isang kaibigan at ang sabi niya’y boboto ang kaniyang tiyuhin ng straight sa isang party kasabay nito’y may idaragdag na isang kandidato mula sa kabila. Abogado ang tiyuhin niya at nagdidesisyon ito batay sa track record ng mga kandidato.
2. Ikalawa, mayroong mga taong walang ibobotong pulitiko ngunit may ibobotong PARTYLIST. Wala silang ibobotong pulitiko sapagkat hindi sila naniniwala sa mga kandidato. Ngunit may nakikita silang pag-asa sa mga partylist sapagkat may nadarama silang sinseridad mula sa mga grupong ito. Ito’y dahil mula sa mga batayan at mga aping sektor ang mga kinatawan ng mga ito. Isa pa'y ang karamihan sa mga botanteng ito ay kabahagi ng partylist na iyon, o ng sektor na kinakatawan noon.
3. Panghuli ay may mga taong HINDI BOBOTO sapagkat hindi sila naniniwala sa mga kandidato at sa sistemang kinapapalooban nito. Magboboykot sila sapagkat ipinapaabot nila sa gobyerno na walang gamit ang sistema sa kasalukuyang panahon. Isa pa sa mga nais nilang ipaabot ay ang mensaheng masasama at kurakot ang mga kumakandidato at mga nasa puwesto. Isang uri ng pagrerebelde ang kanilang ipinapakita.

Ang lahat ng ito, sa aking palagay, ay mga lehitimong pamamaraan ng paglahok at paghahangad ng pagbabago. Nakapanghihinayang lamang at 'di tayo nagkakaisa kung alin sa mga ito ang dapat nating ginagawa upang maging epektibo ang pagpapahayag natin sa mga ninanais nating pagbabago.

Subalit ano ang magiging bunga ng tatlong "movement"? Kung maghahalal tayo ng mga lider, ano ang papel na dapat nilang gampanan? Ayon kay Alan Kaplan, isang organizational development theorist, sa simpleng pananalita ang pinuno ay may tatlong bagay na dapat iniingatan:
1. Ang una ay ang pagkakaroon ng vision, o PANGARAP, para sa pinamumunuan niya. Ang pangarap na ito ay dapat pinagkakasunduan ng lahat, ibig sabihin ay nakikilahok ang marami sa pagbubuo nito. Dapat rin ay feasible ito.
2. Ikalawa, ay ang paghihikayat sa mga TAO na kumilos patungo sa pangarap na bubuuin nila. Lahat ay dapat na may partisipasyon sa pagkilos na ito, dahil lahat tayo ay may maibabahagi gaano man kaliit.
3. Panghuli ay ang pagtatayo ng SISTEMA na gagabay sa mga pagkilos. Ang sistemang ito ay hindi magkakahon sa mga tao, bagkus ay magiging gabay o tagapagpadaloy upang mapadali ang pagkilos.

Subalit paano nga ba gagawin ang mga ito? Ayon kay Dave Andrews, isang community organizer sa Australia, maaabot lamang ang mga pangarap sa pamamagitan ng:
1. Una, ang ating mga pangarap ay dapat na ISINASALIN SA SALITA. Kapag ganito ay lagi natin siyang maaalala at masusuri. Magiging gabay rin ito sa pagkilos.
2. Ikalawa, ang ating mga pangarap ay dapat ISINASABUHAY. Sabi nila, lahat raw tayo ay nais baguhin ang mundo pero walang tao na nais baguhin ang kanyang sarili. Dapat ay ating itinatanong kung sino sa ating mga kandidato ang nagpapakita ng isang mahusay at mabait na pagkatao? Dahil sila ang nagpapakita sa atin na tunay na maaaring maabot ang mga pangarap. Posible na magkaroon ng taong may malasakit, at iba pa.
3. Panghuli’y, ang ating mga pangarap ay dapat na IPINAGDIRIWANG. Sa ganito’y ipinapakita natin sa iba na naaabot natin ang ating mga pangarap. Sapagkat ang pag-abot ng mga pangarap ay 'di ginagawa ng mag-isa kundi ng sama-sama.

Ayon kay Bill Mollison na isang ekonomista, hindi niya nakikita na magagawa ang tatlong ito sa loob ng malakihang sistema, kundi sa PAGKILOS SA MALILIIT NA PAMAYANAN lamang.

Ang eleksyon ay pakikilahok sa isang pangmalakihang sistema, hindi sa maliliit na pamayanan, kung kaya’t hindi matatagpuan doon ang pagbabago. Kung titingnan natin ang sistema ng halalan, mapapansin natin ang tatlong bagay:
1. Una, ang sistema ng halalan ay nagtutulak ng isang sistema ng KUMPETISYON AT HINDI PAGKAKAISA. Isang halimbawa nito ay ang palabas ng GMA7 kung saan nagmimistulang Question and Answer Portion mula sa isang Beauty Pageant ang pagpapakilala sa mga kandidato. Hindi nagkakaroon ng pagkakataon upang makakita ng mga konsepto, o mga broad strokes, na pinagkakaisahan ng mga kandidato.
2. Ikalawa, ang sistema ng eleksyon ay kinikilala lamang ang boto ng NAKARARAMI KAYSA NG MINORYA. Paano halimbawa ang boto ng mga katutubo, o ng mga Islam? Bukod dito, kung wala kang pera o impluwensya sa media, kikilalanin ba ang mga pangangailangan mo matapos ang eleksyon?
3. Panghuli'y, dahil hindi pangmaliliit na pamayanan ang sistema ng eleksyon, wala tayong pagkakataong tunay na kilalanin ang mga kumakandidato. Kung gayon, ito’y isa lamang LABANAN NG IMAHE SA MEDIA. Hindi sapat ang nalalaman lamang natin ang track record ng mga kandidato. Dapat ay personal natin silang kinikilala. Hindi ito magagawa kung hindi natin sila nakakatrabaho sa pagpapaunlad ng maliliit na pamayanan.

Ang eleksyon ay nariyan lamang dahil wala pa tayong nakikitang sistemang maaaring ipalit dito.

Ano’ng alternatibo ang maaari nating ginagawa? Ayon muli sa Social Movement Forum, mayroong dalawang uri ng social movement. Ang una ay ang tinatawag na “Statist” o yung direktang nakikiharap sa estado at naghahangad ng malawakang pagbabago. Ang ikalawa ay ang “Non-statist” o yung ‘di direktang humaharap sa estado ngunit nangangarap ng malakihang pagbabago sa pamamagitan ng pag-iipon ng maliliit na mga pagbabago. Idaragdag ng mga speaker sa forum ang pagkakaroon ng uri ng movement sa gitna ng dalawang ito, o yung parehong Statist at Non-statist. Isa pa sa mga idaragdag ng mga speaker ay yung pagkakaroon ng mga religious movement. Kasama sa mga ginagawa sa social movement ay ang mga sumusunod:
- sumasama sa mga rally kung may isyung tinututulan
- pag-oorganisa ng maliliit na pamayanan
- pakikibahagi sa mga batayan at mga aping sektor tulad sa mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, at kabataan
- aktibong pakikilahok sa mga organisasyon sa ating maliliit na pamayanan
- pagsisikap na magkaroon ng pagbabago sa ating mga sarili
- pagtulong sa kapwa sa kanya-kanyang maliliit na pamamaraan
- at pagsali sa mga aktibidad ng simbahan tulad ng cell group, outreach, at iba pa.

Subalit ilan lamang ang mga ito sa mga naging modelo ng pagkilos patungo sa pagbabago. Maaaring mayroon pang iba.

Dapat ay patuloy nating tinatanong ang ating mga sarili ng mga sumusunod:
1. ANO ANG GINAGAWA NATIN UPANG ITAGUYOD ANG PAGKAKAISA AT HINDI KUMPETISYON? Dapat ay ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang pagkaisahin ang ating mga pangarap. Magagawa ito sa pamamagitan ng diyalogo at pagpapakumbaba. Madaling sabihin na nagkakasundo ang mga “Statist” at ang mga “Non-statist” ngunit karaniwa’y ‘di ito nagiging totoo. Subalit ito ang ideyal na dapat pinagsisikapang makamit kung nais natin ng pagbabago.
2. ANO ANG GINAGAWA NATIN UPANG IHAYAG ANG PANGANGAILANGAN NG MGA MINORYA? Kung mayorya ang nangingibabaw sa eleksyon, hindi nito ibig sabihin na hindi nararapat na pinakikinggan ang hiling ng mga minorya. Ang mga hiling na ito ay dapat ipinagkakaisa sa kagustuhan ng mayorya.
3. ANO ANG GINAGAWA NATIN UPANG MAGKAROON NG PAGBABAGO SA ATING MALILIIT NA PAMAYANAN? Ang dalawang nauna, sa palagay ko, ay hindi magagawa sa pangmalakihang sistema. Magagawa lamang ang mga ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating sari-sariling pamayanan. Makikilala rin natin ng malaliman ang mga dapat na namumuno sa ating kani-kaniyang lugar.

Dapat ay patuloy nating inaalala na hindi natatapos sa eleksyon ang hinahangad nating pagbabago. Gaya ni Che Guevarra, ang pagboto natin, o ang pagpili ng boykot, ay paglusong pa lamang sa pampang ng ilog. Maraming kampay pa mula sa ating mga paa at kamay ang kailangang ginagawa natin upang makarating sa kabilang ibayo.***

No comments:

Post a Comment