Disclaimer: Nag-eksperimento lamang ako sa isang istilo ng pagsusulat. Ang mga opinyon sa entry na ito ay hindi ko totoong pinaniniwalaan. Enjoy! :-)
12.) Why will Rick Astley never gonna give you up, never gonna let you down?*
Nasa harap ka ng laptop. Nagtsitsek ka ng e-mail at nag-e-fb. Nakakita ka ng interesanteng link. “Pinoy Sex Scandal,” ang pamagat. (Mag-click dito para manood ng Pinoy Sex Scandal.) Dahil gumana ang pagkamanyak mo, nag-click ka sa link. Si Rick Astley na sumasayaw at kumakanta lang pala ang napanood mo. “You’ve been RickRolled,” sabi ng pahina. ‘Di ba masisira ang araw mo?
Si Astley ay isang Briton na mang-aawit. Sumikat ang kanta niyang pinamagatang “Never Gonna Give You Up” noong 80’s. Nanatili ito nang ilang linggo sa tuktok ng UK at US charts.
(Panoorin ang Music Video ng Never Gonna Give You Up
ni Rick Astley)
Kung gayon, why will Rick Astley never gonna give you up, never gonna let you down? Kasi lagi siyang maaasahan. Kapag narinig mo ang kanta o napanood ang music video, asahan mong mabubwisit ka – walang palya! Pero ang mas matindi rito, hindi ka lang mapipikon, mala-last song syndrome (LSS) ka pa. Ibig sabihin nito ay kantang hindi maalis sa utak mo kahit ayaw mo nito. Ito na nga ang isa sa mga sintomas ng pagkalunod sa kulturang popular. Inaawit mo ang ilang kanta maski isinusuka ito ng pagkatao mo, paliwanag ni Rolando Tolentino, isang propersor sa UP.
Tatak ni Astley ang palagi niyang suot na amerikana. Mayroon pang padding sa balikat. Kutis sanggol ang balat niya. Babyface, ika nga. Lagi ring malaki ang shades.
Papasok ang tunog ng tambol, gitara, at organ na sinynthesize. Kilala ang 80’s sa ganitong tunog. Halimbawa ay ang Buttercup, Uptown Girl, Whip it, atbp. Kasunod nito, magsisimulang umawit si Astley. Pinipilit niyang palakihin ang boses kahit pawang mataas naman ang timbre. Nagmumukhang lampa na nagpapanggap na maton tuloy siya. Ito na nga ang dominanteng pakiramdam ng awit: lampa na nagpupumilit maging siga.
Nakilala ang awiting ito sa Pilipinas dahil kay Roderick Paulate. Palagi niya itong inaawit sa mga variety show noong 80’s at 90’s. Sa katunayan, nagkasamang magtanghal si Rick at si Kuya Dick sa Araneta noong 2008. Ano pa bang kanta, eh di “Never Gonna Give You Up.” Kung papansinin, mahina na nagpapanggap na malakas din ang mga papel na laging ginagampanan ni Kuya Dick. Katulad ng padding sa amerikana. Pampalapad ng payat na balikat.
Medyo nakakaasar din ang sayaw ni Astley. Lalo itong nakakaasar sa bersyon ni Kuya Dick. Isipin mo, mataas ang sikat ng araw, nanananghalian ka, bigla mong maririnig ang sinynthesize na tambol, tapos makikita mo si Kuya Dick na gumigiling. Masasampal mo talaga ang sarili mo.
(Panoorin si Kuya Dick kasama si Rick Astley
na mag-perform ng Never Gonna Give You Up)
Ganito ang sayaw: kumekembot pakaliwa at pakanan ang buong katawan. Kasabay nito, nanginginig ang tuhod. Pero dapat hindi lalayo ang bunganga sa mikropono. Kumbaga maiiwan ang bibig habang kumikilos ang buong katawan. Para mong pinapanood umindak si Ho at si Ha. Sila ang mga bouncer sa Eat Bulaga, ‘di mo na naitatanong. Parang tuod. Pinag-iisipan ko sa sarili kung bakit kailangang nananatili ang ulo sa mikropono? Wala pa bang lapel noong 80’s?
Dito na nga nakuha ang salitang “RickRolled”. Ibig sabihin nito ay ang panloloko sa internet sa pamamagitan ng pag-click sa link na may ibang inaasahan pero iba pala ang lalabas na pahina. Kadalasan, music video ito ni Rick Astley na “Never Gonna Give You Up” pero maaari ring iba. Basta nakakabwisit.
“Never gonna give you up, never gonna...” bwisit, na-LSS tuloy ako!
______________________
* Mula sa Rejected UPCAT Essay Questions ni Sam Sanchez. Sa unang pagkakataon, nagdagdag ng essay questions sa UPCAT ngayong taon. Naglista si Sam Sanchez ng mga tanong na hindi naisama sa pagsusulit. Hindi ko alam kung totoo ang mga tanong na ito. Natuwa lang akong sagutin ang number 12. :DD