Kulay kayumanggi ang kahirapan para sa akin. Kakulay ng lupa. Pero ito rin ang kulay ng probinsya, bulubundukin, magagandang tanawin, bakasyon, at pagpapahinga.
“Bakit ka nakapalda, Kuya Paeng?” naguguluhang tanong ng isang batang aktor.
Ito ang sumorpresang tanong sa akin isang umagang kakatapos lamang ng almusal. Paano ko maipapaliwanag na hindi palda ang suot ko? Hindi ko masabi na mula iyong Thailand. Mukhang palda lang talaga. Saka ko napansin na nakangisi na pala halos lahat ng batang nakakita sa akin. Kanina pa pala nila ako pinag-uusapan. Si George lang ang naglakas-loob na tanungin ako.
Mataas ang sikat ng araw noon. Nasa isang bayan kami sa Timog Luzon. Katabi namin ang isang munting palaisdaan. Nag-aagahan kami sa loob ng isang barung-barong. Kulay kape ang buong paligid: ang nipa, tuyong kawayan, at putik. Pero kahit masidhi ang araw, presko naman ang dapyo ng hangin.
Bakit kami naroon? Gustong magpasyon o krusada ng munisipyo. Pero para sa kanila, kaugnay nito ang teatro at ang sining. Kumbaga, isang pagtatanghal ang pasyon. Pero imbes na dasal ang binabanggit, pinalitan ng apela sa mga kababayan. Ito ang ideya nila ng adbokasiya: relihiyon at sining, pinagsama.
Napatanong ako sa sarili kung bakit mahalaga para sa kanila na malaman ang kasarian ko. Nandoon lang naman ako upang magturo ng tableau, pagkilos, at pag-arte. Pero bakit gusto nilang matuklasan ang iba’t-ibang bagay tungkol sa akin? Bakit interesado sila sa lahat ng ginagawa ko? Porke ba tagalabas ako? O siguro kapag nakakita ka ng lalaking nakapalda sa gitna ng bukid, maguguluhan ka talaga sa buhay.
Suot ko ang pantalon mula sa Thailand na napagkamalang palda ng mga bata sa Southern Luzon |
Saka ko napagtanto na naghahanap sila, bilang bata at kabataan, ng mga role models. Kagaya ko rin noon. Namamangha sa iba’t-ibang posibilidad. Nagtatanong kung ano ang gusto kong maging. At, palagay ko mas mahalaga rito, ano ang ayaw kong maging?
Ayon nga kay Albert Bandura, isang sikolohista, natututo tayo sa pamamagitan ng pagmamasid at pagtulad sa ibang tao. Kung gusto mong maging inhinyero, maghanap ka ng inhinyero na pwede mong gayahin. Doktor? Pumunta ka sa ospital. Artista? Manood ka ng telebisyon. Magsasaka? Magtanim ka. Emo? Manood ka ulit ng TV. Pinamamarisan natin sila. Kung ito na lang ang maiaambag ko sa pamayanan, bakit hindi?
Ididemolish kasi ang isang barangay nila. Natural ay tumutol sila. Kaya nasa korte pa ang kaso. Pinuproseso pa ang mga papeles. Ang katwiran nila, lagpas 30 taon na sila sa lugar. Sila ang nagpaunlad, nagpatag ng lupa, nagbaon ng mga pananim, at naglagay ng palaisdaan. Kaya hindi pwedeng bawiin nang ganun-ganon na lang.
Minsan hindi na rin ako naniniwala sa teatro o sa sining. Pero sa panahong iyon, ito ang hiningi sa amin ng mga tao.
Bukod sa palda, may dala-dala rin akong lapis at papel. Kasi ako ang playwright ng proyektong iyon. Isa lang ang prinsipyo ko tuwing nagko-community organizing. Sinusubukan kong tandaan na: “hindi ako mas marunong sa kanila.” Ang mga magsasakang pinuntahan namin ay may kakayahang magproseso ng tubo. Nagdisenyo sila ng mga makina upang gumawa ng molasses. Sinusubukan nilang alisin ang mga middle men. Meron silang proyekto ukol sa organikong pagtatanim at sa pag-aalaga ng hayop. Bakit ko sasabihin na mas mahusay ako kaysa kanila? Saan ko ginamit ang lapis at papel kung gayon? Eh ‘di ibinigay ko sa kanila. Sila ang nagsulat ng sarili nilang dula. Sila naman ang mga huwaran ngayon.
“Paano ba mag-community organizing?” tanong sa akin ng isang kaklase sa sikolohiya.
Maaaninag sa mukha niya na gustong-gusto niyang maging community organizer. Pero hindi ko alam kung paano sasagutin ang tanong niya. Hindi naman ako eksperto rito. Pwede ko itong ipaliwanag sa pulitikal at lohikal na paraan. Pero sa totoo lang wala akong malinaw na sagot. Palagay ko, ang pagpunta pa lang doon ay kalahati na. Pumunta ka lang doon, makinig, makihalubilo, at gumawa ng mga manwal na trabaho. ***
Mag-click dito para sa dagdag-babasahin kay Albert Bandura.
(Wala akong makitang direktang link tungkol sa Community Organizing.) Pero mag-click dito para sa BS Social Work at BS Community Development na kurso.
Nagpagawa kami ng bolo mula sa lokal na panday matapos ang proyekto |
Mag-click dito para sa dagdag-babasahin kay Albert Bandura.
(Wala akong makitang direktang link tungkol sa Community Organizing.) Pero mag-click dito para sa BS Social Work at BS Community Development na kurso.
Ang impression ko sa pagninilay mo tungkol sa gawaing pag-oorganisa ay katulad ng sinabi ni Bryant Myers na pagsasanib ng kwento ng komunidad at ng change agent. Siguro dagdag ko rin, ang pag-oorganisa ay sama-samang pagluluksa sa malungkot na kalagayan, pero nagbabahaginan pa rin ng pag-asa.
ReplyDeleteBaleng, tama! Parang gusto kong sabihin na mga tagakomunidad naman ang role models kapag CO work. Ngayon ko naalala na ganoon nga pala ang teorya ni Bryant Myers. Ang impression ko naman sa comment mo: malalim, dahil mas malalim ang karanasan mo sa CO. Pinag-iisipan ko rin ang tungkol sa pag-asa. Pero parang ayaw ko muna sa ngayon dahil pawang wala namang pag-asa. Pero sabi ko nga kay Kuya Ef, mas gusto ko sana na positibo ang tunog. "But maybe some other time..." ika nga ng paborito nating kanta na "Bad Ambassador". :-))
ReplyDelete