Thursday, April 23, 2009

Paglangoy sa Isla ng mga Ketongin: Isang Alternatibo sa Halalan 2007

May isang eksena sa Motorcycle Diaries, isang pelikula tungkol kay Che Guevarra, na patuloy na pumipigil sa aking hininga. Kaarawan ni Che at nagdiriwang ang mga kasama niyang doktor at madre sa isang malaki at kumportableng tahanan. Tinatanaw niya ang isang isla ng mga ketongin sa kabilang ibayo. Ang mga taong may ketong ay naging kaibigan niya mula nang mag-volunteer siyang maging manggagamot nila. Lalabas si Che ng bahay habang umuulan. Lalanguyin niya ang ilog kahit mayroong mga buwaya, malalakas na alon, at umaatake ang kaniyang hika. Hihintayin siya ng mga ketongin sa kabilang ibayo at tutulungang umahon. May ngiting dadapo sa kanilang mga mukha na matagal nang hindi dumarating.

Ngayon ay nagkakagulo ang mga tao sa eleksyon. Nakaiiinis at nakasasawa ang mga patalastas ng mga pulitiko.

“You cannot control a social movement. You can only facilitate it," ang sinasabi sa Social Movement forum ng CSWCD. Ito ay ang aking pagtatangkang i-facilitate ang ating halalan.

Sa aking obserbasyon, mukhang may tatlong "movement" na kinikilusan ang mga tao ngayong halalan:
1. Una, maraming mga tao ang BOBOTO sa mga kandidatong tantsa nila ay tunay na magsisilbi sa bayan. Kausap ko ang isang kaibigan at ang sabi niya’y boboto ang kaniyang tiyuhin ng straight sa isang party kasabay nito’y may idaragdag na isang kandidato mula sa kabila. Abogado ang tiyuhin niya at nagdidesisyon ito batay sa track record ng mga kandidato.
2. Ikalawa, mayroong mga taong walang ibobotong pulitiko ngunit may ibobotong PARTYLIST. Wala silang ibobotong pulitiko sapagkat hindi sila naniniwala sa mga kandidato. Ngunit may nakikita silang pag-asa sa mga partylist sapagkat may nadarama silang sinseridad mula sa mga grupong ito. Ito’y dahil mula sa mga batayan at mga aping sektor ang mga kinatawan ng mga ito. Isa pa'y ang karamihan sa mga botanteng ito ay kabahagi ng partylist na iyon, o ng sektor na kinakatawan noon.
3. Panghuli ay may mga taong HINDI BOBOTO sapagkat hindi sila naniniwala sa mga kandidato at sa sistemang kinapapalooban nito. Magboboykot sila sapagkat ipinapaabot nila sa gobyerno na walang gamit ang sistema sa kasalukuyang panahon. Isa pa sa mga nais nilang ipaabot ay ang mensaheng masasama at kurakot ang mga kumakandidato at mga nasa puwesto. Isang uri ng pagrerebelde ang kanilang ipinapakita.

Ang lahat ng ito, sa aking palagay, ay mga lehitimong pamamaraan ng paglahok at paghahangad ng pagbabago. Nakapanghihinayang lamang at 'di tayo nagkakaisa kung alin sa mga ito ang dapat nating ginagawa upang maging epektibo ang pagpapahayag natin sa mga ninanais nating pagbabago.

Subalit ano ang magiging bunga ng tatlong "movement"? Kung maghahalal tayo ng mga lider, ano ang papel na dapat nilang gampanan? Ayon kay Alan Kaplan, isang organizational development theorist, sa simpleng pananalita ang pinuno ay may tatlong bagay na dapat iniingatan:
1. Ang una ay ang pagkakaroon ng vision, o PANGARAP, para sa pinamumunuan niya. Ang pangarap na ito ay dapat pinagkakasunduan ng lahat, ibig sabihin ay nakikilahok ang marami sa pagbubuo nito. Dapat rin ay feasible ito.
2. Ikalawa, ay ang paghihikayat sa mga TAO na kumilos patungo sa pangarap na bubuuin nila. Lahat ay dapat na may partisipasyon sa pagkilos na ito, dahil lahat tayo ay may maibabahagi gaano man kaliit.
3. Panghuli ay ang pagtatayo ng SISTEMA na gagabay sa mga pagkilos. Ang sistemang ito ay hindi magkakahon sa mga tao, bagkus ay magiging gabay o tagapagpadaloy upang mapadali ang pagkilos.

Subalit paano nga ba gagawin ang mga ito? Ayon kay Dave Andrews, isang community organizer sa Australia, maaabot lamang ang mga pangarap sa pamamagitan ng:
1. Una, ang ating mga pangarap ay dapat na ISINASALIN SA SALITA. Kapag ganito ay lagi natin siyang maaalala at masusuri. Magiging gabay rin ito sa pagkilos.
2. Ikalawa, ang ating mga pangarap ay dapat ISINASABUHAY. Sabi nila, lahat raw tayo ay nais baguhin ang mundo pero walang tao na nais baguhin ang kanyang sarili. Dapat ay ating itinatanong kung sino sa ating mga kandidato ang nagpapakita ng isang mahusay at mabait na pagkatao? Dahil sila ang nagpapakita sa atin na tunay na maaaring maabot ang mga pangarap. Posible na magkaroon ng taong may malasakit, at iba pa.
3. Panghuli’y, ang ating mga pangarap ay dapat na IPINAGDIRIWANG. Sa ganito’y ipinapakita natin sa iba na naaabot natin ang ating mga pangarap. Sapagkat ang pag-abot ng mga pangarap ay 'di ginagawa ng mag-isa kundi ng sama-sama.

Ayon kay Bill Mollison na isang ekonomista, hindi niya nakikita na magagawa ang tatlong ito sa loob ng malakihang sistema, kundi sa PAGKILOS SA MALILIIT NA PAMAYANAN lamang.

Ang eleksyon ay pakikilahok sa isang pangmalakihang sistema, hindi sa maliliit na pamayanan, kung kaya’t hindi matatagpuan doon ang pagbabago. Kung titingnan natin ang sistema ng halalan, mapapansin natin ang tatlong bagay:
1. Una, ang sistema ng halalan ay nagtutulak ng isang sistema ng KUMPETISYON AT HINDI PAGKAKAISA. Isang halimbawa nito ay ang palabas ng GMA7 kung saan nagmimistulang Question and Answer Portion mula sa isang Beauty Pageant ang pagpapakilala sa mga kandidato. Hindi nagkakaroon ng pagkakataon upang makakita ng mga konsepto, o mga broad strokes, na pinagkakaisahan ng mga kandidato.
2. Ikalawa, ang sistema ng eleksyon ay kinikilala lamang ang boto ng NAKARARAMI KAYSA NG MINORYA. Paano halimbawa ang boto ng mga katutubo, o ng mga Islam? Bukod dito, kung wala kang pera o impluwensya sa media, kikilalanin ba ang mga pangangailangan mo matapos ang eleksyon?
3. Panghuli'y, dahil hindi pangmaliliit na pamayanan ang sistema ng eleksyon, wala tayong pagkakataong tunay na kilalanin ang mga kumakandidato. Kung gayon, ito’y isa lamang LABANAN NG IMAHE SA MEDIA. Hindi sapat ang nalalaman lamang natin ang track record ng mga kandidato. Dapat ay personal natin silang kinikilala. Hindi ito magagawa kung hindi natin sila nakakatrabaho sa pagpapaunlad ng maliliit na pamayanan.

Ang eleksyon ay nariyan lamang dahil wala pa tayong nakikitang sistemang maaaring ipalit dito.

Ano’ng alternatibo ang maaari nating ginagawa? Ayon muli sa Social Movement Forum, mayroong dalawang uri ng social movement. Ang una ay ang tinatawag na “Statist” o yung direktang nakikiharap sa estado at naghahangad ng malawakang pagbabago. Ang ikalawa ay ang “Non-statist” o yung ‘di direktang humaharap sa estado ngunit nangangarap ng malakihang pagbabago sa pamamagitan ng pag-iipon ng maliliit na mga pagbabago. Idaragdag ng mga speaker sa forum ang pagkakaroon ng uri ng movement sa gitna ng dalawang ito, o yung parehong Statist at Non-statist. Isa pa sa mga idaragdag ng mga speaker ay yung pagkakaroon ng mga religious movement. Kasama sa mga ginagawa sa social movement ay ang mga sumusunod:
- sumasama sa mga rally kung may isyung tinututulan
- pag-oorganisa ng maliliit na pamayanan
- pakikibahagi sa mga batayan at mga aping sektor tulad sa mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, at kabataan
- aktibong pakikilahok sa mga organisasyon sa ating maliliit na pamayanan
- pagsisikap na magkaroon ng pagbabago sa ating mga sarili
- pagtulong sa kapwa sa kanya-kanyang maliliit na pamamaraan
- at pagsali sa mga aktibidad ng simbahan tulad ng cell group, outreach, at iba pa.

Subalit ilan lamang ang mga ito sa mga naging modelo ng pagkilos patungo sa pagbabago. Maaaring mayroon pang iba.

Dapat ay patuloy nating tinatanong ang ating mga sarili ng mga sumusunod:
1. ANO ANG GINAGAWA NATIN UPANG ITAGUYOD ANG PAGKAKAISA AT HINDI KUMPETISYON? Dapat ay ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang pagkaisahin ang ating mga pangarap. Magagawa ito sa pamamagitan ng diyalogo at pagpapakumbaba. Madaling sabihin na nagkakasundo ang mga “Statist” at ang mga “Non-statist” ngunit karaniwa’y ‘di ito nagiging totoo. Subalit ito ang ideyal na dapat pinagsisikapang makamit kung nais natin ng pagbabago.
2. ANO ANG GINAGAWA NATIN UPANG IHAYAG ANG PANGANGAILANGAN NG MGA MINORYA? Kung mayorya ang nangingibabaw sa eleksyon, hindi nito ibig sabihin na hindi nararapat na pinakikinggan ang hiling ng mga minorya. Ang mga hiling na ito ay dapat ipinagkakaisa sa kagustuhan ng mayorya.
3. ANO ANG GINAGAWA NATIN UPANG MAGKAROON NG PAGBABAGO SA ATING MALILIIT NA PAMAYANAN? Ang dalawang nauna, sa palagay ko, ay hindi magagawa sa pangmalakihang sistema. Magagawa lamang ang mga ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating sari-sariling pamayanan. Makikilala rin natin ng malaliman ang mga dapat na namumuno sa ating kani-kaniyang lugar.

Dapat ay patuloy nating inaalala na hindi natatapos sa eleksyon ang hinahangad nating pagbabago. Gaya ni Che Guevarra, ang pagboto natin, o ang pagpili ng boykot, ay paglusong pa lamang sa pampang ng ilog. Maraming kampay pa mula sa ating mga paa at kamay ang kailangang ginagawa natin upang makarating sa kabilang ibayo.***

Kislap ng Christmas Light: Isang Pamasko 2006

(12/28/06)

Ito marahil ang unang beses na nararamdaman ko ang lungkot. Masakit pala ito, at mabigat sa dibdib – parang nakalalanghap ng lason. Hindi ako makahinga. Inilipat na sa ICU ang tatay ko.

Tahimik at responsable ang aking ama. Kagaya ng iba pang tatay, siya’y minsan lang magsalita ngunit mas kinatatakutan naming magkakapatid kaysa nanay namin. Matikas ang kanyang tindig at laging malinis manamit. Noong kabataan niya’y makapal ang kanyang bigote, ngunit ngayo’y laging makinis ang kanyang ahit. Papanipis na rin ang kanyang buhok kaya’t lalong nagiging kagalang-galang ang kanyang imahe.

“Daddy, basahin mo itong sulat,” ang pag-aabot ng nanginginig kong mga kamay.

Natatakot akong sabihin sa kanya ang balak kong paglipat ng kurso mula Matematika patungong Gawaing Panlipunan. Ipinaaabot ko na lamang sa sulat.

“’Wag kang mawawalan ng gana dahil sa mga kritiko mo. Ituloy mo ang iyong balak kung palagay mo ay tama ito,” ang sagot niya sa akin noong nagpapaalam akong magtatrabaho sa SIKAP, isang NGO na nagsasagawa ng Leadership Training para sa mga hayskul sa kabila ng maliit na pondo.

Dalawang beses na pala akong ‘di nagpapatianod sa karaniwang daloy ng buhay. Dalawang beses na rin akong pinahihintulutan ng tatay ko. Ngayong gabi’y mag-iiba rin ang daloy ng buhay ng pamilya namin.

Dalawang linggo nang pabalik-balik ang tatay ko sa ospital. Mataas ang kanyang presyon at ‘di bumababa. Hanggang sa pinag-uutos na ng doktor ang pananatili niya sa ospital. Nahihiya akong dumadalaw, isang gabi, sa kanyang maliit na kuwarto. May suwero na nakatusok sa kanyang mga kamay. May kama
sa gitna kung saan siya nakahiga. May telebisyon at refrigirator sa kanyang tabi. Sa kaliwa’y may mahabang upuan para sa mga bisita’t nagbabantay. Nandoon din ang nanay ko at ang kapatid kong babae. Madilim sa loob dahil pinipilit matulog ng tatay ko. Iniuutos niya sa akin na lakasan ang air-con. Maya’t-maya’y tinatawag niya ang nars dahil sumasakit ang kanyang tiyan. Hindi ko iyon sinisersyoso. Matapos ang tatlong oras, nagpapaalam na ako upang umuwi.

“Ipagdasal mo ako,” ang pagbibilin niya.

Nararamdaman ko ang pangamba sa kanyang boses. Para
bang hindi siya nakasisiguro sa kanyang buhay. Nahihirapan akong tanggapin iyon kaya’t hindi ko rin ninanais na seryosohin. Pinipilit kong burahin sa isip subalit napupuno ako ng kalituhan.

“Oo,” ang tangi kong naisagot kahit marami pa akong nais banggitin.

Papalabas na ako ng pinto.

“Inilipat na sa ICU si daddy,” ang mensahe mula sa text ng kapatid ko.

Na-stroke siya! Kasunod nito’y nagdarasal ako ng mataimtim. Nagpapaalam ako sa trabaho upang araw-araw ay madalaw ko siya. Nakikiusap din akong ipagdasal nila ang pagpapagaling niya.

Puti ang buong paligid sa ICU. Punung-puno ng pader at pinto ang palibot. Mga bakanteng kama at silya ang unang mapapansin. Parang lahat ay makina. Ganoon nga ang lahat ng nakadikit sa tatay ko. May makinang pansukat ng kanyang paghinga, pagtibok ng puso, at oxygen sa dugo. Mayroon ring makina para tulungan siyang huminga, para saluhin ang kanyang ihi, at para ipasok ang suwero at gamot sa kanyang katawan. Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay ang tubong nakapasok sa kanyang ilong patungong bituka. Hinihigop nito ang hangin sa loob ng tiyan. Lumulobo kasing parang sa limang buwang buntis ang tiyan niya.

Ito nga ang unang beses na nararamdaman ko ang lungkot. Hindi ako makapaniwala sa lahat ng nangyayari. Napakabilis ng lahat ng nagaganap pero napakatagal ng bawat araw. Parang tumitigil ang oras. Napapansin kong maski ang mga kuko ko’y ‘di na humahaba. Pakiramdam ko’y nananaginip lamang ang tatay ko at maya-maya’y gigising siya. Sunud-sunod ang pag-iyak ng pamilya namin. Kanya-kanyang tahimik na luha sa kanya-kanyang sulok ng ospital.

Noong iniaakyat ang tatay ko mula sa CT-scan ay pinagtitinginan siya ng mga tao. Kasama ang tatlong nars, pinapagulong ang mga makina at ang kama
niya pabalik sa ICU. Hindi mapipigilan ang paglilikot niya na parang gustong kumawala sa isang kulungan. Ang kilos at itsura niya’y tulad ng sa isang taong binabangungot dahil ‘di niya naiintindihan ang nangyayari.

“Hindi po maitutuloy ang CT-scan dahil malikot siya,” ang pagpapaliwanag ng isang nars.

“’Wag ka nang malikot. ‘Wag ka nang malikot,” ang pagtangis ng nanay ko kahit ‘di siya naiintindihan ng tatay ko.

Sabay-sabay na muling tumulo ang luha naming magpapamilya. Pare-pareho kami ng pag-iyak – pigil at tahimik, kaya’t lalong masakit sa dibdib. Nagdadalawang-isip ako kung dapat kong hawakan ang kamay ng tatay ko upang siya’y payapain. Ibinabaling ko ang atensyon sa iba. Napapansin kong tumatahimik ang mga nars… at lumuluha.

Nadadala rin ng katahimikan ng pamilya namin ang mga nars kahit sa loob ng ICU. Araw-araw ay inaabangan namin ang pagbisita ng doktor upang tanungin kung kailan gagaling ang tatay ko. Pinagmamasdan namin ang pagtaas at pagbaba ng tuldok sa makinang sumusukat ng tibok ng puso. Kada minuto’y hinihiling namin ang pagbaba ng kanyang presyon. Bawat segundo’y nakaiinip. Sinisingil na rin kami ng ospital. Nalaman naming umaabot ng 30,000 piso ang bawat araw sa ICU, at umaabot ng higit sa 1,200,000 piso ang bayarin namin.

“Lumapit kayo sa social worker para makahingi ng tulong sa PCSO,” ang text ng tita ko.

Tinatanong ko ang sarili kung bakit hindi ko naisip ng paglapit sa PCSO gayong social worker din ako. Tinuturuan ko ang nanay ko kung saan at paano kukuha ng mga papeles. Noong lumalapit na kami sa social worker, tinatanong ko kung saan pa maaaring makahingi ng tulong. Wala siyang ibinibigay na sagot. Ibang-iba pala ang realidad kaysa itinuturong ideyal sa eskwela. Itinuturing ko na lamang iyon na isang pagkakataon upang ipaliwanag sa nanay ko ang napili kong propesyon. Ako na rin ang gumagawa ng sulat para sa PCSO.

“Pumayag ang PCSO na ibigay sa atin ang pinakamalaking maaari nilang ibigay,” ang masayang balita ng nanay ko.

Ikinukuwento niya na noong una’y ayaw kaming pagkalooban, ngunit noong binabasa ng isang doktor ang sulat ko, nagdesisyon itong pagbigyan kami. Nahahalata raw na social worker ang sumulat noon, at nais niya akong kunin upang magtrabaho para sa kanila. Ipinapaliwanag ng nanay ko na hindi ganoon ang nais kong bokasyon. Nararamdaman kong nagsisimula nang maintindihan ng nanay ko ang aking trabaho.

Maunawain, masipag, at maabilidad ang nanay ko. Pinagsasabay niya ang pag-aalaga sa tatay ko, ang pag-aaruga sa amin, at ang pag-aasikaso ng mga bumibisita sa ICU. Araw-araw niyang kinakausap ang mga doktor, namimili ng grocery, at nagti-text­ sa mga bisita. Para sa akin, siya ang pinakamahusay na nars kahit ‘di niya nauunawaan ang siyensya ng mga makina at mga gamot, ‘pagkat siya lamang ang nakapagpapatahan sa tatay ko tuwing umiiyak.

“Ito’y regalo sa atin ng Diyos,” ang pagpapalubag-loob niya.

Ikinagugulat ko ang ganitong pagtingin niya, subalit maaaring malaking parte nito ay tama. Sunud-sunod ang positibong pagbabago sa pamilya namin. Naglalakas-loob akong hawakan ang kamay ng tatay ko upang maalagaan siya. Nagtatrabaho sa isang call center ang kapatid ko. At iginagalang naming magkakapatid ang pamumuno ng nanay namin. Siya ang nagbibigay ng direksiyon sa aming pamilya habang nagpapagaling ang tatay ko. Sinusubok naming maging mahinahon sa paghihintay.

Sa paghihintay, nakakasama namin ang mga kaibigang nagpapatatag sa amin. May mga dumadalaw na kamag-anak, mga kapitbahay, mga katrabaho, mga kaklase, at iba pang mga kasamahan. Lahat sila’y nagbabahagi ng kani-kanilang mga kuwento upang lumakas ang aming loob. May mga nagbibigay ng tulong sa paglalakad ng mga papeles at ng tulong pinansyal. Higit sa lahat, marami ang nagdarasal para sa tatay ko. Pinagagalitan kami ng mga doktor dahil napupuno ng mga bisitang kaibigan ang ICU.

Inuutusan ako ng isang kaibigan na ipagdasal ang aking tatay sa harap ng nanay at mga kapatid ko. Nakapaligid kami sa kama ng tatay ko. Sa aking kaliwa ay ang aking kaibigan, at sa kanan ay ang aking kapatid. Madilim at tahimik sa ICU. Ang tanging maririnig ay ang mga makina. Pinipilit kong alalahanin ang pangako ng buhay mula sa Diyos. Hindi ako makapaniwalang binabanggit ito ng mga bibig ko sa harap ng aking mga kapamilya. Tuluy-tuloy lamang ang pagbibigkas ko. Papatapos na ang dasal. Nagpapasalamat ang nanay ko sa aking kaibigan. Simula noo’y ako na ang ipinatatawag ng nanay ko upang mamuno sa pagdarasal. May mga pagkakataon ding nagdarasal kami ng sama-sama sa pamumuno niya. Natututunan namin nang paunti-unti ang pagsandig sa Diyos. Bawat araw ay sinusubok naming punuin ng pag-asa ang mga damdamin namin. Iniiwasan rin naming magpagapi sa bawat mabigat na problema. Naghihintay pa rin ang mga damdamin namin… pero may pag-asa.

Isang araw ay nagpapaabot ng mensahe ang nanay ko. Inuutusan niya akong linisin ang kuwarto ng aking tatay ’pagkat pabalik na sila sa bahay mula sa ospital. Hindi ko maipapaliwanag ang kasiyahang nararamdaman ko. Isinasagawa ko ang paglilinis ng may malaking ngiti. Inaalis ko ang mga agiw sa kisame. Binubuhat ko ang mga maliliit na damitan. Tinatanggal ko ang mga alikabok sa mga papeles. Binabasa ko ang mga dokumento sa trabaho ng tatay ko. Namamangha ako sa mga pinagdaanan niya at sa mga nagawa niya para sa ibang tao. Nagugulat ako ‘pagkat sa trabaho niya’y kasama ang pamumuno sa pamamahagi ng tubig sa buong lungsod. Kinikilala siya ng ilang mga distrito. Nagtataka ako’t hindi siya kilala ng mga nars, ng mga doktor, ng ospital, ng mga institusyon, o ng bayan. Iniisip ko ang mga pamilyang natulungan ng tatay ko. Iniisip ko ang pamilya namin.

Marahil, para sa karaniwang Pilipino sa kasalukuyang panahon, abstrakto ang bayan, abstrakto ang kapayapaan, ang hustisya, at ang pagkakapantay-pantay. Pero nararamdaman ang pang-aapi, pagsasamantala, at kahirapan. At ang tanging konkretong nagpapadama ng pagmamalasakit ay ang pamilya. Kaya’t hindi ideyal ang ibinibigay na serbisyo ng social worker sa pamilya namin, at hindi kilala ng bayan ang tatay ko. Pero kilala siya ng mga kapamilya niya, ng mga kapitbahay, at ng mga maliliit na komunidad sa paligid niya.

“Napakahirap namang maging parte ng isang pamilyang Pilipino,” ang binabanggit ko sa sarili.

Dahil para sa Pilipino, ang pamilya ay ang bayan. Kapag nagkakasakit ang isa ay nagpapagaling ang lahat. Unti-unting kinakapa ng nanay ko at ng mga kapatid ko ang relasyon ng bawat isa sa amin. Sinusubukan naming magtulungan upang itaguyod ang aming pamilya. Lalo naming nirerespeto at inaaruga ang tatay namin imbes na kinatatakutan. At mas pinahahalagahan ang naibabahagi ng bawat isa gaano man kaliit o kalaki.

Paparating na ang tatay ko lulan ng taxi. Ibinubukas ang pinto ng sasakyan at papalabas siya. Dahil sa epekto ng stroke, nahihirapan siyang kilalanin ang kanyang bahay at kanyang mga kapamilya. Bumibisita ang ilang mga kapitbahay upang makipagdiwang. Nagsasalu-salo kami sa kakaunting pagkain.

“Tingnan mo ang harap ng bahay natin,” ang pakikiusap ng tatay ko, isang gabing kagagaling ko sa trabaho.

Pula, berde, asul, at kahel ang kislap na nagmumula sa christmas light. Sa gilid ay may christmas tree na may mga nakasabit na bola, mga bulaklak, at mga laso. Sa tuktok nito ay may makintab na bituin. Tumutulong raw siya noong itinatayo ang mga ito. Mababakas ang ngiti sa kanyang mga mata… ***

Kape, Puto, at Project Proposal: Journal Entry

(November 26, 2006)


“Sa SIKAP na ako magtatrabaho, iyon ang desisyon ko”, ang paghingi ko ng permiso kay Kuya Efren.


“Sumasakit ang ulo ko sa ‘yo”, ang tangi niyang naisagot.


Si Kuya Efren ang direktor ng NGO kung saan ako nagtatrabaho. Nagbibigay kami ng mga workshop para sa mga kabataan sa kabila ng maliit na pondo. Ngayong araw na ito, nagsusulat ako ng proposal para sa ilang mag-aaral sa Masbate. Nakatutok ang maingay na bentilador sa aking kanan. Kumukunat naman ang biskwit, na sana'y panaghalian ko, sa aking kaliwa. Samantala, gumagawa ng musika sa takatak ng keyboard ang aking mga daliri. Maya't-maya akong nagdarasal na mabigyan ng pondo ang aking isinusulat.

Ikaapat na ulit na akong nagsusulat ng mga proposal na gaya nito. Naiinip na ako, hindi lang para sa akin kundi para sa pamilya ko. Noong nakaraang buwan ay naospital ang aking ama. Kritikal ang lagay niya. Dumaan sa matinding kalungkutan at paghihintay ang aming pamilya. Nagbago ang aming mga nakagawian upang maalagaan ang tatay ko at ipagpatuloy ang pagtataguyod sa pamilya namin. Nagtatrabaho sa isang call center ang isa kong kapatid, habang ang isa naman ay nagsasabing titigil na siya sa pag-aaral upang makatipid. Ang nanay ko ang nagpapasok ng pinansya para sa pang-araw-araw na gastusin. Magpahanggang ngayon, may malaking utang pa rin kami sa ospital. Sa gitna ng mga ito, nagtataka ako kung bakit ‘di pa ako naghahanap ng ibang trabaho. Iniisip ko nga na marahil ideolohiya na lamang ang naghahawak sa akin. Pero nararamdaman kong malapit na akong bumitaw.

Maya't-maya ang paglabas at pagpasok ng mga kaopisina ko dahil sa iba't-iba nilang inaasikaso.

“'Tol, bumili ako ng puto. Kumuha ka lang,” ang pag-aalok ni Kenneth.

Maya-maya'y paalis na siya kasama si Ate Janet. Paparating si Baleng at Jare.

“Kumusta ka, kuya?”, ang pag-aalala ni Jare.

“Mabuti?”, ang patanong kong sagot.

Maya-maya'y paalis na rin sila. Parang ako lamang ang nananatili sa opisina. Mayroong parte sa isip kong nagsasabing nag-iisa ako. Tumitindi ang pakiramdam kong malapit na akong bumitiw sa ideolohiyang pinanghahawakan. Pero mayroon ring nagsasabing may mahalaga akong ginagampanan. At hindi ako dapat bumitiw.

Paparating si Ate Janet. Muli siyang nagbabalik galing sa importanteng lakad. Siya ang itinuturing naming nanay sa opisina dahil sa pagiging maalalahanin at mapag-aruga niya. Napansin kong papalabas siya ng pinto at may dalang tasa. Maya-maya'y papasok siyang muli at ipinagtitimpla ako ng kape. Ang unang higop ay pagmasahe sa aking pagod na isip. Ang ikalawa ay pagsuko ng aking mga balikat. At ang mga sumunod ay pahinga at pag-asa. Ito ang nahuli kong pananghalian ngayong gabi.

Nababatid kong hindi ko matatapos ang isinusulat ko kung hindi dahil sa pangungumusta ni Jare at ni Baleng, sa puto ni Kenneth, at sa kape ni Ate Janet. Mula sa kanila, nauunawaan ko ngayon ang kahalagahan ng pagsisilbi sa iba kahit sa mga mumunting paraan. Naaalala kong ganito rin ang naibahagi sa akin ng SIKAP noong estudyante ako. Kung paano ako kinakausap ni Kuya Efren tungkol sa problemang pampamilya. Kung paano niya ako tinuturuang magsulat ng mga sanaysay at mga tula. At kung paano niya ako sinasamahan sa unibersidad upang maghanap ng kursong babagay sa akin. Alam kong hindi ako makakatapos ng kolehiyo kung hindi dahil sa kanya. Matulungin at mapag-aruga siya, at lahat ng nasa SIKAP.

Nais ko ring magsilbi sa iba. Marahil ang pagsusulat ko ng proposal ay ang munting pamamaraan ko. Naaalala kong ito rin ang dahilan ng pagtatrabaho ko sa SIKAP. Nais kong maging susunod na kausap ng ilang kabataan tungkol sa problemang pampamilya, susunod na magtuturo kung paano sumulat at tumula, at susunod na sasama sa mga unibersidad. Nais kong ibahagi ang sarili upang makatapos rin sila ng kolehiyo, o kung anuman ang nais nilang makamit.
Nagulat akong batid din ito ng aking pamilya. Inaalok ako ng trabaho sa isang kumpanya ng aming kapitbahay. Ipinapaliwanag ng nanay ko na hindi ganoon ang gusto kong bokasyon.

“Kapag may mga buwan na wala kayong masuweldo, sabihin mo lang at bibigyan kita ng baon,” ang pagpapahayag ng nanay ko ng suporta sa akin.

Minsan naiinis ako kapag may ibang tao na gusto akong palipatin ng trabaho samantalang buong-buo ang suporta ng mga magulang ko sa akin. Minsan naman, natutuwa ako't naiintindihan ako ng nanay at tatay ko. Pakiramdam ko'y ito ang pinakamagandang regalo nila sa akin.

Siguro hindi ako lumilipat ng trabaho dahil inaasam ko pa ring may mangyaayring pagbabago. Palagay ko'y hindi totoo ang sinasabi ng ilang matatanda na nawalan na ng pakialam ang henerasyon namin. Nagsawa na raw kami sa masasamang balita at nais naming magtrabaho sa ibang bansa. Sa isang banda'y maaaring tama sila, dahil ang totoo, nagtatrabaho ako sa SIKAP dahil sa puto ni Kenneth, kape ni Ate Janet, pangungumusta ni Jare at Baleng, pag-aaruga ni Kuya Efren, at suporta ng pamilya ko. Ang mga ito ay parang tapik sa balikat na nagsasabing nasa tamang direksyon ako. Nawawala kahit sandali ang kalituhan at pagkainip. Dahil sa araw-araw na pagpapakita nila sa akin ng kabutihan, tumitindi ang paniniwala ko sa ideolohiya at pag-asa.


Para ito:
Kay Kuya Efren habang Christmas Break;
Sa SIKAP Team, go lang ng go!!!
At sa nanay, tatay, at dalawa kong kapatid...