Thursday, April 23, 2009

Kislap ng Christmas Light: Isang Pamasko 2006

(12/28/06)

Ito marahil ang unang beses na nararamdaman ko ang lungkot. Masakit pala ito, at mabigat sa dibdib – parang nakalalanghap ng lason. Hindi ako makahinga. Inilipat na sa ICU ang tatay ko.

Tahimik at responsable ang aking ama. Kagaya ng iba pang tatay, siya’y minsan lang magsalita ngunit mas kinatatakutan naming magkakapatid kaysa nanay namin. Matikas ang kanyang tindig at laging malinis manamit. Noong kabataan niya’y makapal ang kanyang bigote, ngunit ngayo’y laging makinis ang kanyang ahit. Papanipis na rin ang kanyang buhok kaya’t lalong nagiging kagalang-galang ang kanyang imahe.

“Daddy, basahin mo itong sulat,” ang pag-aabot ng nanginginig kong mga kamay.

Natatakot akong sabihin sa kanya ang balak kong paglipat ng kurso mula Matematika patungong Gawaing Panlipunan. Ipinaaabot ko na lamang sa sulat.

“’Wag kang mawawalan ng gana dahil sa mga kritiko mo. Ituloy mo ang iyong balak kung palagay mo ay tama ito,” ang sagot niya sa akin noong nagpapaalam akong magtatrabaho sa SIKAP, isang NGO na nagsasagawa ng Leadership Training para sa mga hayskul sa kabila ng maliit na pondo.

Dalawang beses na pala akong ‘di nagpapatianod sa karaniwang daloy ng buhay. Dalawang beses na rin akong pinahihintulutan ng tatay ko. Ngayong gabi’y mag-iiba rin ang daloy ng buhay ng pamilya namin.

Dalawang linggo nang pabalik-balik ang tatay ko sa ospital. Mataas ang kanyang presyon at ‘di bumababa. Hanggang sa pinag-uutos na ng doktor ang pananatili niya sa ospital. Nahihiya akong dumadalaw, isang gabi, sa kanyang maliit na kuwarto. May suwero na nakatusok sa kanyang mga kamay. May kama
sa gitna kung saan siya nakahiga. May telebisyon at refrigirator sa kanyang tabi. Sa kaliwa’y may mahabang upuan para sa mga bisita’t nagbabantay. Nandoon din ang nanay ko at ang kapatid kong babae. Madilim sa loob dahil pinipilit matulog ng tatay ko. Iniuutos niya sa akin na lakasan ang air-con. Maya’t-maya’y tinatawag niya ang nars dahil sumasakit ang kanyang tiyan. Hindi ko iyon sinisersyoso. Matapos ang tatlong oras, nagpapaalam na ako upang umuwi.

“Ipagdasal mo ako,” ang pagbibilin niya.

Nararamdaman ko ang pangamba sa kanyang boses. Para
bang hindi siya nakasisiguro sa kanyang buhay. Nahihirapan akong tanggapin iyon kaya’t hindi ko rin ninanais na seryosohin. Pinipilit kong burahin sa isip subalit napupuno ako ng kalituhan.

“Oo,” ang tangi kong naisagot kahit marami pa akong nais banggitin.

Papalabas na ako ng pinto.

“Inilipat na sa ICU si daddy,” ang mensahe mula sa text ng kapatid ko.

Na-stroke siya! Kasunod nito’y nagdarasal ako ng mataimtim. Nagpapaalam ako sa trabaho upang araw-araw ay madalaw ko siya. Nakikiusap din akong ipagdasal nila ang pagpapagaling niya.

Puti ang buong paligid sa ICU. Punung-puno ng pader at pinto ang palibot. Mga bakanteng kama at silya ang unang mapapansin. Parang lahat ay makina. Ganoon nga ang lahat ng nakadikit sa tatay ko. May makinang pansukat ng kanyang paghinga, pagtibok ng puso, at oxygen sa dugo. Mayroon ring makina para tulungan siyang huminga, para saluhin ang kanyang ihi, at para ipasok ang suwero at gamot sa kanyang katawan. Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay ang tubong nakapasok sa kanyang ilong patungong bituka. Hinihigop nito ang hangin sa loob ng tiyan. Lumulobo kasing parang sa limang buwang buntis ang tiyan niya.

Ito nga ang unang beses na nararamdaman ko ang lungkot. Hindi ako makapaniwala sa lahat ng nangyayari. Napakabilis ng lahat ng nagaganap pero napakatagal ng bawat araw. Parang tumitigil ang oras. Napapansin kong maski ang mga kuko ko’y ‘di na humahaba. Pakiramdam ko’y nananaginip lamang ang tatay ko at maya-maya’y gigising siya. Sunud-sunod ang pag-iyak ng pamilya namin. Kanya-kanyang tahimik na luha sa kanya-kanyang sulok ng ospital.

Noong iniaakyat ang tatay ko mula sa CT-scan ay pinagtitinginan siya ng mga tao. Kasama ang tatlong nars, pinapagulong ang mga makina at ang kama
niya pabalik sa ICU. Hindi mapipigilan ang paglilikot niya na parang gustong kumawala sa isang kulungan. Ang kilos at itsura niya’y tulad ng sa isang taong binabangungot dahil ‘di niya naiintindihan ang nangyayari.

“Hindi po maitutuloy ang CT-scan dahil malikot siya,” ang pagpapaliwanag ng isang nars.

“’Wag ka nang malikot. ‘Wag ka nang malikot,” ang pagtangis ng nanay ko kahit ‘di siya naiintindihan ng tatay ko.

Sabay-sabay na muling tumulo ang luha naming magpapamilya. Pare-pareho kami ng pag-iyak – pigil at tahimik, kaya’t lalong masakit sa dibdib. Nagdadalawang-isip ako kung dapat kong hawakan ang kamay ng tatay ko upang siya’y payapain. Ibinabaling ko ang atensyon sa iba. Napapansin kong tumatahimik ang mga nars… at lumuluha.

Nadadala rin ng katahimikan ng pamilya namin ang mga nars kahit sa loob ng ICU. Araw-araw ay inaabangan namin ang pagbisita ng doktor upang tanungin kung kailan gagaling ang tatay ko. Pinagmamasdan namin ang pagtaas at pagbaba ng tuldok sa makinang sumusukat ng tibok ng puso. Kada minuto’y hinihiling namin ang pagbaba ng kanyang presyon. Bawat segundo’y nakaiinip. Sinisingil na rin kami ng ospital. Nalaman naming umaabot ng 30,000 piso ang bawat araw sa ICU, at umaabot ng higit sa 1,200,000 piso ang bayarin namin.

“Lumapit kayo sa social worker para makahingi ng tulong sa PCSO,” ang text ng tita ko.

Tinatanong ko ang sarili kung bakit hindi ko naisip ng paglapit sa PCSO gayong social worker din ako. Tinuturuan ko ang nanay ko kung saan at paano kukuha ng mga papeles. Noong lumalapit na kami sa social worker, tinatanong ko kung saan pa maaaring makahingi ng tulong. Wala siyang ibinibigay na sagot. Ibang-iba pala ang realidad kaysa itinuturong ideyal sa eskwela. Itinuturing ko na lamang iyon na isang pagkakataon upang ipaliwanag sa nanay ko ang napili kong propesyon. Ako na rin ang gumagawa ng sulat para sa PCSO.

“Pumayag ang PCSO na ibigay sa atin ang pinakamalaking maaari nilang ibigay,” ang masayang balita ng nanay ko.

Ikinukuwento niya na noong una’y ayaw kaming pagkalooban, ngunit noong binabasa ng isang doktor ang sulat ko, nagdesisyon itong pagbigyan kami. Nahahalata raw na social worker ang sumulat noon, at nais niya akong kunin upang magtrabaho para sa kanila. Ipinapaliwanag ng nanay ko na hindi ganoon ang nais kong bokasyon. Nararamdaman kong nagsisimula nang maintindihan ng nanay ko ang aking trabaho.

Maunawain, masipag, at maabilidad ang nanay ko. Pinagsasabay niya ang pag-aalaga sa tatay ko, ang pag-aaruga sa amin, at ang pag-aasikaso ng mga bumibisita sa ICU. Araw-araw niyang kinakausap ang mga doktor, namimili ng grocery, at nagti-text­ sa mga bisita. Para sa akin, siya ang pinakamahusay na nars kahit ‘di niya nauunawaan ang siyensya ng mga makina at mga gamot, ‘pagkat siya lamang ang nakapagpapatahan sa tatay ko tuwing umiiyak.

“Ito’y regalo sa atin ng Diyos,” ang pagpapalubag-loob niya.

Ikinagugulat ko ang ganitong pagtingin niya, subalit maaaring malaking parte nito ay tama. Sunud-sunod ang positibong pagbabago sa pamilya namin. Naglalakas-loob akong hawakan ang kamay ng tatay ko upang maalagaan siya. Nagtatrabaho sa isang call center ang kapatid ko. At iginagalang naming magkakapatid ang pamumuno ng nanay namin. Siya ang nagbibigay ng direksiyon sa aming pamilya habang nagpapagaling ang tatay ko. Sinusubok naming maging mahinahon sa paghihintay.

Sa paghihintay, nakakasama namin ang mga kaibigang nagpapatatag sa amin. May mga dumadalaw na kamag-anak, mga kapitbahay, mga katrabaho, mga kaklase, at iba pang mga kasamahan. Lahat sila’y nagbabahagi ng kani-kanilang mga kuwento upang lumakas ang aming loob. May mga nagbibigay ng tulong sa paglalakad ng mga papeles at ng tulong pinansyal. Higit sa lahat, marami ang nagdarasal para sa tatay ko. Pinagagalitan kami ng mga doktor dahil napupuno ng mga bisitang kaibigan ang ICU.

Inuutusan ako ng isang kaibigan na ipagdasal ang aking tatay sa harap ng nanay at mga kapatid ko. Nakapaligid kami sa kama ng tatay ko. Sa aking kaliwa ay ang aking kaibigan, at sa kanan ay ang aking kapatid. Madilim at tahimik sa ICU. Ang tanging maririnig ay ang mga makina. Pinipilit kong alalahanin ang pangako ng buhay mula sa Diyos. Hindi ako makapaniwalang binabanggit ito ng mga bibig ko sa harap ng aking mga kapamilya. Tuluy-tuloy lamang ang pagbibigkas ko. Papatapos na ang dasal. Nagpapasalamat ang nanay ko sa aking kaibigan. Simula noo’y ako na ang ipinatatawag ng nanay ko upang mamuno sa pagdarasal. May mga pagkakataon ding nagdarasal kami ng sama-sama sa pamumuno niya. Natututunan namin nang paunti-unti ang pagsandig sa Diyos. Bawat araw ay sinusubok naming punuin ng pag-asa ang mga damdamin namin. Iniiwasan rin naming magpagapi sa bawat mabigat na problema. Naghihintay pa rin ang mga damdamin namin… pero may pag-asa.

Isang araw ay nagpapaabot ng mensahe ang nanay ko. Inuutusan niya akong linisin ang kuwarto ng aking tatay ’pagkat pabalik na sila sa bahay mula sa ospital. Hindi ko maipapaliwanag ang kasiyahang nararamdaman ko. Isinasagawa ko ang paglilinis ng may malaking ngiti. Inaalis ko ang mga agiw sa kisame. Binubuhat ko ang mga maliliit na damitan. Tinatanggal ko ang mga alikabok sa mga papeles. Binabasa ko ang mga dokumento sa trabaho ng tatay ko. Namamangha ako sa mga pinagdaanan niya at sa mga nagawa niya para sa ibang tao. Nagugulat ako ‘pagkat sa trabaho niya’y kasama ang pamumuno sa pamamahagi ng tubig sa buong lungsod. Kinikilala siya ng ilang mga distrito. Nagtataka ako’t hindi siya kilala ng mga nars, ng mga doktor, ng ospital, ng mga institusyon, o ng bayan. Iniisip ko ang mga pamilyang natulungan ng tatay ko. Iniisip ko ang pamilya namin.

Marahil, para sa karaniwang Pilipino sa kasalukuyang panahon, abstrakto ang bayan, abstrakto ang kapayapaan, ang hustisya, at ang pagkakapantay-pantay. Pero nararamdaman ang pang-aapi, pagsasamantala, at kahirapan. At ang tanging konkretong nagpapadama ng pagmamalasakit ay ang pamilya. Kaya’t hindi ideyal ang ibinibigay na serbisyo ng social worker sa pamilya namin, at hindi kilala ng bayan ang tatay ko. Pero kilala siya ng mga kapamilya niya, ng mga kapitbahay, at ng mga maliliit na komunidad sa paligid niya.

“Napakahirap namang maging parte ng isang pamilyang Pilipino,” ang binabanggit ko sa sarili.

Dahil para sa Pilipino, ang pamilya ay ang bayan. Kapag nagkakasakit ang isa ay nagpapagaling ang lahat. Unti-unting kinakapa ng nanay ko at ng mga kapatid ko ang relasyon ng bawat isa sa amin. Sinusubukan naming magtulungan upang itaguyod ang aming pamilya. Lalo naming nirerespeto at inaaruga ang tatay namin imbes na kinatatakutan. At mas pinahahalagahan ang naibabahagi ng bawat isa gaano man kaliit o kalaki.

Paparating na ang tatay ko lulan ng taxi. Ibinubukas ang pinto ng sasakyan at papalabas siya. Dahil sa epekto ng stroke, nahihirapan siyang kilalanin ang kanyang bahay at kanyang mga kapamilya. Bumibisita ang ilang mga kapitbahay upang makipagdiwang. Nagsasalu-salo kami sa kakaunting pagkain.

“Tingnan mo ang harap ng bahay natin,” ang pakikiusap ng tatay ko, isang gabing kagagaling ko sa trabaho.

Pula, berde, asul, at kahel ang kislap na nagmumula sa christmas light. Sa gilid ay may christmas tree na may mga nakasabit na bola, mga bulaklak, at mga laso. Sa tuktok nito ay may makintab na bituin. Tumutulong raw siya noong itinatayo ang mga ito. Mababakas ang ngiti sa kanyang mga mata… ***

No comments:

Post a Comment