Thursday, April 23, 2009

Kape, Puto, at Project Proposal: Journal Entry

(November 26, 2006)


“Sa SIKAP na ako magtatrabaho, iyon ang desisyon ko”, ang paghingi ko ng permiso kay Kuya Efren.


“Sumasakit ang ulo ko sa ‘yo”, ang tangi niyang naisagot.


Si Kuya Efren ang direktor ng NGO kung saan ako nagtatrabaho. Nagbibigay kami ng mga workshop para sa mga kabataan sa kabila ng maliit na pondo. Ngayong araw na ito, nagsusulat ako ng proposal para sa ilang mag-aaral sa Masbate. Nakatutok ang maingay na bentilador sa aking kanan. Kumukunat naman ang biskwit, na sana'y panaghalian ko, sa aking kaliwa. Samantala, gumagawa ng musika sa takatak ng keyboard ang aking mga daliri. Maya't-maya akong nagdarasal na mabigyan ng pondo ang aking isinusulat.

Ikaapat na ulit na akong nagsusulat ng mga proposal na gaya nito. Naiinip na ako, hindi lang para sa akin kundi para sa pamilya ko. Noong nakaraang buwan ay naospital ang aking ama. Kritikal ang lagay niya. Dumaan sa matinding kalungkutan at paghihintay ang aming pamilya. Nagbago ang aming mga nakagawian upang maalagaan ang tatay ko at ipagpatuloy ang pagtataguyod sa pamilya namin. Nagtatrabaho sa isang call center ang isa kong kapatid, habang ang isa naman ay nagsasabing titigil na siya sa pag-aaral upang makatipid. Ang nanay ko ang nagpapasok ng pinansya para sa pang-araw-araw na gastusin. Magpahanggang ngayon, may malaking utang pa rin kami sa ospital. Sa gitna ng mga ito, nagtataka ako kung bakit ‘di pa ako naghahanap ng ibang trabaho. Iniisip ko nga na marahil ideolohiya na lamang ang naghahawak sa akin. Pero nararamdaman kong malapit na akong bumitaw.

Maya't-maya ang paglabas at pagpasok ng mga kaopisina ko dahil sa iba't-iba nilang inaasikaso.

“'Tol, bumili ako ng puto. Kumuha ka lang,” ang pag-aalok ni Kenneth.

Maya-maya'y paalis na siya kasama si Ate Janet. Paparating si Baleng at Jare.

“Kumusta ka, kuya?”, ang pag-aalala ni Jare.

“Mabuti?”, ang patanong kong sagot.

Maya-maya'y paalis na rin sila. Parang ako lamang ang nananatili sa opisina. Mayroong parte sa isip kong nagsasabing nag-iisa ako. Tumitindi ang pakiramdam kong malapit na akong bumitiw sa ideolohiyang pinanghahawakan. Pero mayroon ring nagsasabing may mahalaga akong ginagampanan. At hindi ako dapat bumitiw.

Paparating si Ate Janet. Muli siyang nagbabalik galing sa importanteng lakad. Siya ang itinuturing naming nanay sa opisina dahil sa pagiging maalalahanin at mapag-aruga niya. Napansin kong papalabas siya ng pinto at may dalang tasa. Maya-maya'y papasok siyang muli at ipinagtitimpla ako ng kape. Ang unang higop ay pagmasahe sa aking pagod na isip. Ang ikalawa ay pagsuko ng aking mga balikat. At ang mga sumunod ay pahinga at pag-asa. Ito ang nahuli kong pananghalian ngayong gabi.

Nababatid kong hindi ko matatapos ang isinusulat ko kung hindi dahil sa pangungumusta ni Jare at ni Baleng, sa puto ni Kenneth, at sa kape ni Ate Janet. Mula sa kanila, nauunawaan ko ngayon ang kahalagahan ng pagsisilbi sa iba kahit sa mga mumunting paraan. Naaalala kong ganito rin ang naibahagi sa akin ng SIKAP noong estudyante ako. Kung paano ako kinakausap ni Kuya Efren tungkol sa problemang pampamilya. Kung paano niya ako tinuturuang magsulat ng mga sanaysay at mga tula. At kung paano niya ako sinasamahan sa unibersidad upang maghanap ng kursong babagay sa akin. Alam kong hindi ako makakatapos ng kolehiyo kung hindi dahil sa kanya. Matulungin at mapag-aruga siya, at lahat ng nasa SIKAP.

Nais ko ring magsilbi sa iba. Marahil ang pagsusulat ko ng proposal ay ang munting pamamaraan ko. Naaalala kong ito rin ang dahilan ng pagtatrabaho ko sa SIKAP. Nais kong maging susunod na kausap ng ilang kabataan tungkol sa problemang pampamilya, susunod na magtuturo kung paano sumulat at tumula, at susunod na sasama sa mga unibersidad. Nais kong ibahagi ang sarili upang makatapos rin sila ng kolehiyo, o kung anuman ang nais nilang makamit.
Nagulat akong batid din ito ng aking pamilya. Inaalok ako ng trabaho sa isang kumpanya ng aming kapitbahay. Ipinapaliwanag ng nanay ko na hindi ganoon ang gusto kong bokasyon.

“Kapag may mga buwan na wala kayong masuweldo, sabihin mo lang at bibigyan kita ng baon,” ang pagpapahayag ng nanay ko ng suporta sa akin.

Minsan naiinis ako kapag may ibang tao na gusto akong palipatin ng trabaho samantalang buong-buo ang suporta ng mga magulang ko sa akin. Minsan naman, natutuwa ako't naiintindihan ako ng nanay at tatay ko. Pakiramdam ko'y ito ang pinakamagandang regalo nila sa akin.

Siguro hindi ako lumilipat ng trabaho dahil inaasam ko pa ring may mangyaayring pagbabago. Palagay ko'y hindi totoo ang sinasabi ng ilang matatanda na nawalan na ng pakialam ang henerasyon namin. Nagsawa na raw kami sa masasamang balita at nais naming magtrabaho sa ibang bansa. Sa isang banda'y maaaring tama sila, dahil ang totoo, nagtatrabaho ako sa SIKAP dahil sa puto ni Kenneth, kape ni Ate Janet, pangungumusta ni Jare at Baleng, pag-aaruga ni Kuya Efren, at suporta ng pamilya ko. Ang mga ito ay parang tapik sa balikat na nagsasabing nasa tamang direksyon ako. Nawawala kahit sandali ang kalituhan at pagkainip. Dahil sa araw-araw na pagpapakita nila sa akin ng kabutihan, tumitindi ang paniniwala ko sa ideolohiya at pag-asa.


Para ito:
Kay Kuya Efren habang Christmas Break;
Sa SIKAP Team, go lang ng go!!!
At sa nanay, tatay, at dalawa kong kapatid...

No comments:

Post a Comment